Tuesday, July 14, 2009

Maskara

Siya’y nakangiti na
may ningning ang mga mata,
maayos manamit,
tila walang problema
at nag-uumapaw sa ligaya.

Siya nama’y umaagos
ang mga luha,
walang ayos,
walang arte
malungkot,
masalimuot,
nag-iisa
patung patong ang mga problema.

Ito namang isa’y matapang,
masigasig,
itim kung manamit
buo ang loob
gigibain ano mang balakid.

Siya ay tahimik,
simple,
di magara ang damit,
nakakubli,
walang muwang,
kawawang nilalang.

Ang iba nama’y
nagpupumilit ngumiti
minsan makulay ang damit
pero kadalasa'y pula,
hindi dahil sa pag-ibig.
kundi dahil ang kalooba'y
puno ng pighati.

Marami ang bilang ng
namamahagi
ngunit sa kabila nito'y
higit ang kapalit na minimithi.

May ilang nagsasabing
marunong magpatawad
ngunit ang totoo'y hindi.
Dahil dapat ang katumbas
ng pagpapatawad
ay paglimot sa nagdaan
ng nakangiti.

Marami ang bukang bibig
ay pag-ibig
ng hindi alam ang tunay
na kahulugan.
Minsan ay kulang
minsan ay sobra.
Ano nga ba ang pag-ibig?
Paano nga ba ang umibig?

Di mo rin mabilang
ang mga nagkukubli
sa katotohanan.
Nagmamatapang,
nagmamarunong,
pero umiiwas para masakatan.

Marami ang palasimba
pero bulok ang pag-uugali.
Marami ang hinuhusgahan
batay sa pananamit.
Ang balot ang katawan ay santo
ang nagpapakita ng laman
malapit sa eskandalo.
Tama ba ang batayan na ito?

Sa iba’t ibang lugar
sa iba’t ibang pagkakataon,
maraming nagsasabi
nakamit nila ang tamis ng tagumpay,
tinapakan at niyurakan
ang kapakanan ng karamihan.

Ikaw nama’y
umuusok sa galit,
gustong maghiganti
at kapahamakan ng kapwa
ang minimithi.

Iba’t iba ang anyo
ng iba’t ibang tao.
Ibat-ibang maskara
sa mukha nila’y nakapinta.

Iba’t ibang pananaw
iba’t ibang pag-iisip
iba’t ibang galaw
kaya’t maskara nila’y papalit palit.

Anong uri ng tao ka?
Anong klase ng MASKARA
ang nakasuot sayong mukha?

May lakas ka ba ng loob
na humarap sa mga tao
na suot ay ang

totoo mong mukha?


by: jheng manalang prado